-- Advertisements --

Magpapatupad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng “compensatory adjustment” sa pickup fares ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) mula Disyembre 20 hanggang Enero 4, kasunod ng apela ng TNVS Community Philippines (TCP).

Ayon sa LTFRB, ang hakbang ay tugon sa TCP laban sa planong pagbabawas ng surge cap, lalo na ngayong peak holiday season kung kailan inaasahang mas titindi ang trapiko at hahaba ang oras ng biyahe ng mga pasahero.

Sa pahayag na inilabas ng TCP sa pamamagitan ng tagapagsalita nitong si Lisza Redulla, sinabi ng grupo na patuloy silang nakikipagdayalogo sa mga regulator at transport network companies (TNCs) upang isulong ang kapakanan ng mga TNVS driver. Aktibo rin umano silang nakipag-ugnayan sa LTFRB upang mapanatili ang implementasyon ng surge, partikular sa isinagawang konsultasyon ng ahensya noong Disyembre.

Napagalaman na matagal nang isinusulong ng grupo ang compensatory adjustment sa pickup fares bilang paraan upang mabalanse ang gastusin ng mga TNVS driver at maiwasan ang pagkalugi sakaling bawasan ang surge cap. Layunin umano nitong matiyak na magpapatuloy ang operasyon ng mga driver at serbisyo sa publiko ngayong Kapaskuhan.

Dagdag pa ng grupo, mananatili silang nakatutok sa pagsusulong ng patas na kita at pamantayan sa TNVS upang maprotektahan ang kapakanan ng mga driver sa harap ng patuloy na pagtaas ng gastusin.