-- Advertisements --

Iginiit ng Lawyers for Commuters Safety and Protection na hindi dapat puro pagbabawal ang polisiya ng pamahalaan sa paggamit ng e-trikes at e-bikes sa mga pangunahing kalsada.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Atty. Ariel Inton, founder ng grupo, sinabi niya na bagama’t mahalaga ang road safety, dapat ding isaalang-alang ang epekto nito sa kabuhayan ng masang Pilipino na umaasa sa e-trikes at e-bikes para sa murang biyahe at hanapbuhay.

Ayon kasi sa Land Transportation Office (LTO), ang mahigpit na panghuhuli at pag-impound ng mga e-trikes at e-bikes ay para sa road safety considerations.
Ngunit, iginiit ni Atty. Inton na may mga economic at legal issues na dapat ikonsidera.

Aniya, regulation at hindi prohibition ang tamang solusyon upang mabalanse ang kaligtasan at kabuhayan.

Dagdag pa niya, tulad ng motorcycle taxi at ride-hailing apps na dati ring ipinagbawal ngunit kalaunan ay na-regulate, maaari ring magawan ng malinaw na patakaran ang e-trikes at e-bikes.

Kaya naman, nanawagan ang grupo ng isang malinaw, makatarungan, at balanseng regulasyon na nagbibigay-proteksyon sa lahat.