-- Advertisements --

Binuweltahan ni House Committee on Public Accounts Chair Terry Ridon ang Korte Suprema at hinamon itong ayusin muna ang sariling bakuran bago pangaralan ang Kongreso hinggil sa bilis ng usapin ng impeachment.

Sa isang media forum, ipinaalala ni Ridon sa Kataas-taasang Hukuman ang mandato ng 1987 Constitution na dapat resolbahin ang mga kaso sa loob lamang ng 24 na buwan mula sa pagsusumite ng mga pleadings.

Ginawang halimbawa ng mambabatas ang matagal nang nakabinbin na petisyon kaugnay sa non-contact apprehension policy na hanggang ngayon ay wala pa ring pinal na desisyon.

Ayon kay Ridon, bago kwestyunin ng SC ang lehislatura sa umano’y pagmamadali sa mga impeachment complaints, dapat munang tiyakin ng hukuman na nasusunod nito ang sariling deadlines sa paglutas ng mga kaso.

Sa kabila nito, nilinaw ng kongresista na bagama’t kinikilala nila ang judicial autonomy, nananatili ang kapangyarihan ng Kongreso na bantayan ang Hudikatura bilang bahagi ng checks and balances.

Binigyang-diin ni Ridon na may malinaw na mekanismo ang gobyerno para sa accountability, kabilang na rito ang impeachment proceedings at ang karapatan ng Kongreso na busisiin ang paggamit ng Judicial Development Fund (JDF).