Kumpiyansa ang Taiwan na kaya ng kanilang militar na agad na tumugon sa anumang pag-atake ng China.
Sa isang report sa Taiwan lawmakers, sinabi ng Taiwan defense ministry na kayang mag-operate ng lahat ng kanilang military unit sa ilalim ng decentralized mode of command nang hindi na nag-aantay pa ng direktiba mula sa nakakataas.
Ginawa ng Taiwan ang pahayag kasunod ng makailang ulit na banta ng China na maaari umano nilang biglaang baguhin ang kanilang regular drills sa active combat mode para huliin ang Taiwan at kanilang international supporters nang hindi nila namamalayan.
Inihayag din ng Defense ministry ng Taiwan sa naturang report na tumaas ang antas at dalas ng isinasagawang military activities ng China kada taon kabilang ang kanilang regular joint combat readiness patrols.
Ayon pa sa ministry, nagsasanay ang China kung paano atakehin ang Taiwan at nagpapadala ng kanilang mga barkong pandigma na palapit nang palapit sa may Pacific at patungo sa Australia at New Zealand.
Kaugnay nito, sinabi ng defense ministry na may standard operating practice ang kanilang militar kung paano itataas ang kanilang combat alert level sakaling i-escalate ng China ang drills nito sa giyera.
Una rito, tinututulan ng gobyerno ng Taiwan ang claim ng China na bahagi sila ng teritoryo ng higanteng bansa at iginiit na tanging ang mga mamamayan ng isla ang maaaring magpasya para sa kanilang kinabukasan.
















