-- Advertisements --

Nagkausap sa telepono sina Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro at Australian Foreign Minister Penny Wong kaugnay sa marahas na pamamaril sa Bondi Beach.

Dito, napag-usapan ang pagpapatatag pa ng kooperasyon sa seguridad at law enforcement, matapos kumpirmahin ng Bureau of Immigration na nanatili dito sa Pilipinas noong Nobiyembre ang mag-amang suspek bago ginawa ang mass shooting sa Australia.

Ayon kay Sec. Lazaro, ipinaabot niya ang pakikiramay ng Pilipinas at iginiit ang matibay na ugnayan ng dalawang bansa laban sa karahasan, poot, at intolerance.

Sinabi naman ng DFA na layon ng pag-uusap na tiyakin ang tuloy-tuloy na koordinasyon at palitan ng impormasyon sa imbestigasyon.

Una rito, sinabi ng National Security Council na alam nila ang ulat na ang mga suspek na sina Sajid Akram at Naveed Akram ay dumating sa Pilipinas noong Nobyembre 1, 2025 at umalis noong Nobyembre 28, kung saan ang Davao ng napaulat na kanilang naging destinasyon.

Ayon sa konseho, walang indikasyon na nagdulot ng banta sa seguridad ang kanilang pagbisita sa bansa, at hindi ito itinuturing na agarang panganib.

Iginiit ng NSC na nananatiling aktibo ang counterterrorism at security protocols, at patuloy ang koordinasyon sa mga awtoridad ng Australia.