-- Advertisements --

Inaresto ng mga awtoridad nitong Linggo si Police Senior Master Sergeant John Mollenido, ang asawa ng pinaslang na policewoman na si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido, kaugnay ng pagpatay sa kanyang asawa at kanilang walong taong gulang na anak.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD) si Mollenido, na dati nang itinuring na person of interest, ay sasampahan ng kaso kasama ang tatlo pang suspek na naunang inaresto.

Lahat sila ay isasailalim sa inquest proceedings.

Bago ang kanyang pag-aresto, tumanggi si Mollenido na magbigay ng pahayag kaugnay ng alegasyon ng isang car agent na nagturo umano sa kanya bilang sangkot sa krimen.

Ayon sa pulisya, isa sa mga naarestong suspek ang boluntaryong nagsalaysay ng kanyang umano’y nalalaman tungkol sa krimen, na aniya’y ginawa niya dahil sa konsensya.

Ikinuwento pa ng suspek na nasaksihan niya ang mga pangyayari matapos ang pamamaril sa bahay ng mag-asawa noong gabi ng Enero 16.

Batay sa kanyang salaysay, pinapunta siya ng mag-asawang suspek din sa kanilang bahay bandang alas-8 ng gabi at pinaghintay sa garahe habang tinanong umano ni Mollenido ang kanyang asawa kung may ipapabili sa labas. Kalaunan, nakita raw niya si Mollenido na pumasok sa bahay kasama ang isang hindi pa nakikilalang babae.

Ilang oras matapos nito, sinabi ng suspek na may malakas umanong music na pinatugtog sa loob ng bahay, na sinundan ng tunog ng putok ng baril.

Inilahad din niyang nakita niya ang isang babaeng duguan at sinabi na ang katawan ng bata ay binalot at itinago sa isang storage area.

Nang tanungin niya kung ano ang nangyari, sinabi ng suspek na siya ay tinakot at binalaan na huwag magsasalita tungkol sa kanyang nakita kung hindi ay pati raw siya ay papatayin.

Magugunitang natagpuan ang bangkay ni Diane Marie Mollenido noong Enero 24 sa isang creek sa Pulilan, Bulacan, na may tama ng bala sa ulo. Limang araw matapos nito, natagpuan naman ang bangkay ng kanilang anak na si John Ysmael sa isang taniman ng kalamansi sa Victoria, Tarlac.

Ayon sa pulisya, namatay ang bata dahil sa asphyxia o pagkakasakal.

Naaresto naman ang tatlo pang suspek noong Biyernes sa isang residential area sa Novaliches, Quezon City.

Narekober sa kanilang tinutuluyang bahay ang cellphone ni Diane Marie at P100,000 cash. Ayon sa pulisya, ang mga suspek ay magkakasamang naninirahan bilang living in partners.

Narekober din ng mga awtoridad ang isang sport utility vehicle (SUV) sa Pampanga na pinaniniwalaang ginamit sa pagdadala ng mga bangkay ng mga biktima.

Nauna nang sinabi ng asawa ng biktima na handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon. Gayunman, kinuwestyon ng kanyang legal counsel ang paraan ng kanyang pagkakaaresto.

Sa isang pahayag na na i-pinost sa Facebook page ng Rimandolo Office, sinabi ng abogado ni Mollenido na boluntaryo umano siyang sumuko at hindi inaresto, at iginiit na wala pang inilalabas na warrant of arrest laban sa kanilang kliyente.