Tatalakayin sa nalalapit na Bilateral Consultation Mechanism (BCM) sa pagitan ng Pilipinas at China ang banggaan ng dalawang Chinese vessels sa Bajo de Masinloc noong Agosto 11.
Kinumpirma ito ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung saan ang Pilipinas aniya ang magiging host sa pulong ngayong taon.
Ayon kay DFA Secretary Theresa Lazaro, sa isyu ng bilateral, palaging tinatalakay ang lahat ng may kinalaman sa disputed waters
Ang ganito aniyang mekanismo ay gumagana dahil ito ang nagsisilbing channel ng komunikasyon.
Matatandaan, nangyari ang collision incident mahigit isang linggo na ang nakakalipas na nagresulta sa pagkawasak ng harapang parte o forecastle ng China Coast Guard Vessel 3104 matapos bumangga sa Chinese Navy warship.
Nitong Agosto 17 naman, nagsagawa ng joint sailing ang mga barko ng Pilipinas, Australia, at Canada malapit sa Lubang Island sa Mindoro bilang bahagi ng Philippine-Australia Alon Military Exercises.
Ayon sa Philippine Navy, ang ganitong mga joint sail kasama ang mga kaalyadong bansa ay epektibong panangga laban sa pananakot ng China.