Kinumpirma ni Philippine Coast Guard (PCG) for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na mayroong nagpapatuloy na Kadiwa mission sa Panatag Shoal o tinatawag ding Bajo de Masinloc para suportahan ang mga mangingisdang Pilipino na hindi na malayang nakaka-access sa kanilang tradisyunal na fishing grounds dahil sa “exclusion zone” ng China.
Base sa monitoring ng US maritime expert na si Ray Powell, naobserbahang dumating ang patrol vessel ng PCG na BRP Cape San Agustin sa Panatag Shoal kasama ang anim pang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa may 30 nautical miles (NM) silangan ng shoal hapon nitong Huwebes, Disyembre 11. Subalit nag-reposition ang mga ito sa buong magdamag sa 70 NM ng shoal.
Tinapatan naman ito ng mga barko ng China at agresibong ipinatupad ang “exclusion zone” nito sa may paligid ng shoal, kung saan nasa 6 na barko ng China Coast Guard at 10 maritime militia ang nasa lugar.
Base rin sa monitoring ni Powell, kasalukuyang isinasagawa ang ikalawang Kadiwa mission sa may pagitan ng Sabina Shoal at Palawan. Kabilang sa naturang misyon ang BRP Cape Engano ng PCG at M/V Mamamalakaya ng BFAR. Sinalubong ang mga ito ng dalawang barko ng CCG wala pang 50 NM mula sa baybayin ng Pilipinas.
Sa palagay ng US maritime expert, new normal ang aksiyon ng China sa Panatag Shoal at sa may Palawan. Aniya, determinado ang China na subaybayan ang Kadiwa mission para igiit ang hurisdiksiyon nito sa loob ng kanilang 10-dash line.
Subalit, matatandaan, idineklara ng arbitral tribunal ang Panatag Shoal bilang traditional fishing ground hindi lang para sa China, kundi kasama ang Vietnam at Pilipinas.
















