-- Advertisements --

Nabigyan na ang Pilipinas ng access na mabisita ang tatlong Pilipino na inaresto sa China dahil sa umano’y pangeespiya.

Kinumpirma ito ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Theresa Lazaro.

Ayon sa kalihim, iniuri ang kaso ng tatlong Pilipino bilang isang consular issue at nakahanda aniya ang pamahalaan na bigyan ng buong suporta ang mga inaakusahang Pilipino.

Sa ngayon, nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Philippine Consulate sa Guangzhou ang tatlong Pilipino.

Tiniyak naman ng bagong kalihim ng DFA sa mga pamilya ng 3 Pilipino na nakahanda ang pamahalaan ng PH na i-tap ang isang law firm na siyang hahawak sa kanilang kaso.

Matatandaan, nauna ng napaulat na dating mga scholar ng Hainan government ang inarestong tatlong Pilipino na naisakatuparan sa ilalim ng kasunduan noon sa pagitan ng probinsiya ng Hainan at Palawan.

Itinanggi naman ng National Security Council ng Pilipinas ang akusasyong espiya ang tatlong Pilipino at iginiit na sila ay mga ordinaryong Pilipino lamang na walang kasanayan sa militar at “law-abiding citizens” na walang criminal records.