Pinaghahandaan na ng Philippine Army ang anumang posibleng gawin ng Communist Party of the Philippines (CPP) kasabay ng anibersaryo nito sa Disyembre 26.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Army Spokesperson Colonel Louie Dema Ala, sinabi niyang bagaman labis na ang paghina ng makakaliwang kilusan, hindi pa rin inaalis ng Hukbong Katihan ang posibilidad na magsagawa ito ng mga pag-atake bago, habang, o pagkatapos ang anibersaryo nito.
Kalimitan aniyang ginagawa ito ng CPP-New People’s Army (CPP-NPA) sa mga nakalipas na taon, na kadalasang nagdudulot ng takot at pangamba, lalo na sa mga lugar na madalas makitaan ng presensiya ng mga rebelde.
Sa kabila nito, umapela si Dema-Ala sa mga rebelde na huwag nang gumawa ng anumang ikakasira ng katahimikan, lalo na at panahon ngayon ng kapaskuhan.
Muli ring nanawagan ang Philippine Army official sa mga rebelde na sa halip na manggulo sa panahon ng anibersaryo ng CPP, mas mainam na lamang na sumuko sa pamahalaan, dala ang kanilang mga baril, upang mabigyan ng pagkakataong mabisita ang kanilang mga kaanak.
Nanindigan naman si Dema Ala na wala nang dahilan upang magdiwang pa ng anibersaryo ang CPP.
Aniya, sa ngayon ay wala nang aktibong NPA front saanmang bahagi ng bansa dahil na rin sa mga serye ng operasyon ng militar at ng Philippine National Police.
Ang tanging natitira na lamang aniya ay ang remnants o natitirang miyembro ng mga nauna nang nilansag na grupo na nagpupumilit pa ring manatili sa kabundukan, sa halip na sumuko sa gobiyerno.















