Itinanggi ni dating Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano ang online posts na nag-uugnay sa kanya sa isang pahayag kung saan sinisisi si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kamakailang engkwentro sa pagitan ng Philippine Army at New People’s Army sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Paduano, malinaw na huwad at gawa-gawa lamang ang mga naturang post at nilinaw na hindi ito galing sa kaniya.
Paliwanag ng dating mambabatas na taliwas ang naturang post sa kanyang rekord sa Kongreso at sa suporta niya sa pambansang depensa at seguridad kung saan binanggit niya ang mga isinulong niyang panukalang batas na naglalayong mapalakas ang Armed Forces of the Philippines at matugunan ang insurhensiya sa bansa.
Kaugnay nito, ikinokonsidera ni Paduano na magsampa ng kaso laban sa mga responsable sa likod ng pekeng post.
Hinihikayat din niya ang publiko na maging maingat at mapanuri sa mga impormasyon online upang maiwasang malinlang.
















