-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Umapela kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Migrante International at BAYAN International na matulungan ang mga ito sa agarang pagpapalaya kay Chantal Anicoche, isang 24-anyos na Filipino-American community leader na kasalukuyang nasa kustodiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Natagpuan si Anicoche ng military na nagtatago sa isang hukay matapos ang pambobomba sa isang katutubong komunidad noong Enero 8, 2026 sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Josie Pingkihan, Deputy Secretary General ng Migrante International, sinabi nito na bagama’t may ginhawang dulot ang kumpirmasyong buhay si Anicoche, nananatili pa rin aniya ang kanilang pangamba sa kanyang kalagayan habang hawak ng 203rd Infantry Brigade ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nararapat aniya na igalang ang karapatan ng dalaga at tiyaking hindi siya sasailalim sa anumang uri ng tortyur, pananakot, o panggigipit.

Binigyang-diin ni Pingkihan na walang isinampang kaso laban kay Anicoche na aktibong nagsusulong ng karapatan ng mga migranteng Pilipino at mga katutubong Mangyan sa Mindoro.

Si Chantal ay miyembro ng Kabataan International Migrante at nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Psychology sa University of Maryland, Baltimore County (UMBC).

Kasabay nito, muling iginiit ng organisasyon ang panawagan para sa hustisya sa mga biktima ng karahasan sa Abra de Ilog, pagtigil sa military blockade, at pagwawakas sa umano’y de facto martial rule sa isla.