-- Advertisements --

Handa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ibuwis ang kanilang buhay para depensahan ang teritoryo ng bansa kabilang na ang saklaw ng exclusive economic zone (EEZ) at Kalayaan Island Group (KIG).

Nanindigan si Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na nanumpa silang ipagtatanggol ang bansa mula sa lahat ng mga banta, mapa-lokal man o dayuhan.

Hindi man binanggit ng Navy official kung kailan maaaring kailanganing gawin ng Sandatahang Lakas ang sukdulang sakripisyo, umaasa silang gagampanan ng kasundaluhan ang kanilang mandato anuman ang maging kapalit.

Ito ay sa kabila pa ng pahayag ng ilang opisyal ng Pilipinas partikular na ni Senator Rodante Marcoleta na nasa labas na aniya ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group.

Sa panig ng AFP, sinabi ni Rear Admiral Trinidad na maliwanag sa kanilang mandato at nakasaad sa Konstitusyon ang limitasyon ng teritoryo ng Pilipinas.

Aniya, mandato nilang protektahan ang pambansang soberaniya, para tiyakin ang integridad ng pambansang teritoryo hanggang sa 200 nautical miles EEZ at ang regime of islands saklaw ang KIG na lagpas sa EEZ at pangalagaan ang kapakanan ng mamamayang Pilipino. Sa loob aniya ng maraming taon ay kanilang ginagampanan ang naturang mandato.

Nanindigan din ang Philippine Navy official na may legal na basehan ang claims ng Pilipinas.