Kinumpirma ng Philippine Army na nakatakda nang isailalim sa general court martial proceedings si Col. Audie Mongao matapos makumpleto ang imbestigasyon sa kanyang kontrobersyal na pahayag online.
Ayon kay Army Commanding General Antonio Nafarrete, tapos na ang imbestigasyon at kasalukuyan nang inihahanda ang pormal na pagdinig sa ilalim ng General Court Martial (GCM).
Inaayos pa ang komposisyon ng court martial panel at inaasahang malapit nang magsimula ang paglilitis.
Matatandaan, noong Enero, inalis sa puwesto si Mongao at inilagay sa attached o unassigned status matapos kumalat ang screenshot ng mensahe kung saan umano’y binawi niya ang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kalakip ang linyang: “Sobra na, tama na! The Filipino people is worth fighting for. Mabuhay!”
Ang kaso laban sa kanya ay paglabag umano sa Article of War 63 na tumutukoy sa kawalang-galang sa Pangulo bilang Commander-in-Chief.
Iginiit ng Philippine Army na ang proseso ay isasagawa alinsunod sa batas militar at may buong paggalang sa due process.














