-- Advertisements --

Papayagan ang mga sundalo na makapiling ang kanilang mga pamilya at kaanak ngayong holiday season, ayon sa Philippine Army.

Paliwanag ni Army Spokesperson Colonel Louie Dema Ala, bagaman mananatiling naka-alerto ang Hukbong Katihan ng Pilipinas sa kabuuan ng holiday season bilang suporta sa Pambansang Pulisya ng Pilipinas, bibigyan aniya ng pagkakataon ang mga sundalo na makapagdiwang ng pasko kasama ang kanilang pamilya.

Isa sa mga sistemang susundin dito ng Army ay ang hatiin ang mga sundalong magdu-duty sa Pasko habang ang iba ay magdu-duty sa Bagong Taon.

Ang mga hindi magdu-duty ay papayagang maka-uwi sa kanilang probinsiya sa loob ng maikling panahon.

Katwiran ni Dema Ala, kailangan din ng mga sundalo na makasama ang kanilang pamilya at madama ang diwa ng Pasko at Bagong taon.

Paliwanag pa ng opisyal, mayroon pa ring maiiwan na standby forces na handang umalalay sa anumang mga pangangailangan o emergency situation.

Kasama rito ang deployable response team sa sandaling may mga kalamidad at iba pang national emergencies.