-- Advertisements --

Naglabas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng walong proklamasyon na nagdedeklara ng special non-working days sa limang munisipalidad at tatlong siyudad sa bansa bilang paggunita sa mga lokal na kapistahan at anibersaryo ng pagkakatatag.

Sa ilalim ng Proclamation No. 1109, idineklarang special non-working day ang Enero 5, 2026 sa bayan ng Tagudin, Ilocos Sur para sa pagdiriwang ng ika-440 anibersaryo ng pagkakatatag nito.

Habang ang Proclamation No. 1110, idineklarang special non-working day ang Enero 6, 2026 sa Oroquieta City, Misamis Occidental kaugnay ng ika-56 Charter Anniversary at ika-96 na taon bilang kabisera ng lalawigan. 

Ang dalawang proklamasyon ay nilagdaan noong Disyembre 15.

Sa Proclamation No. 1114, idineklarang special non-working day ang Enero 5 sa bayan ng Bauang, La Union para sa ika-440 Founding Anniversary nito.

Idineklara rin sa Proclamation No. 1115 ang Enero 31 bilang special non-working day sa bayan ng Lian, Batangas bilang paggunita sa Liberation Day.

Sa Proclamation No. 1116, idineklarang special non-working day ang Enero 27 sa bayan ng Tantangan, South Cotabato para sa ika-65 Founding Anniversary at ika-16 Kulitangtang Festival.

Samantala, sa Proclamation No. 1117, idineklarang special non-working day ang Enero 16 sa Lungsod ng Batangas upang makalahok ang mga residente sa pagdiriwang ng city fiesta.

Naglabas din ang Pangulo ng Proclamation No. 1118 na nagdedeklara ng Enero 9 bilang special non-working day sa Koronadal City, South Cotabato para sa ika-86 Founding Anniversary at Koronadal Hinugyaw Festival.

Panghuli, sa Proclamation No. 1119, idineklarang special non-working day ang Enero 21 sa bayan ng Currimao, Ilocos Norte para sa pagdiriwang ng Founding Anniversary nito.

Ang anim na huling proklamasyon ay nilagdaan noong Disyembre 16, 2025 ng Pangulong Marcos.