-- Advertisements --

Kinumpirma ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang kanilang rekomendasyon para sa permanenteng pagkakansela ng Driver’s License ng motorista na nakuhanan ng video at pinag-usapan sa social media dahil sa kanyang hindi makataong pagtrato sa isang ama na nagtutulak ng kariton sa lungsod ng Antipolo, Rizal.

Ang nasabing motorista ay inakusahan ng pananakit at pagbibitiw ng masasakit na salita laban sa nasabing ama.

Matapos ang masusing pagdinig sa kaso, na isinagawa ngayong araw, pormal nang kinumpiska ng LTO ang lisensya ng motorista na kinilala sa pangalang Carlo Subong.

Ang pagdinig na ito ay nagbigay daan para sa mas malalim na pagsusuri ng mga pangyayari at pagkuha ng salaysay mula sa iba’t ibang partido.

Ayon kay Asec. Lacanilao, ang kumakalat na video ng insidente ay nagpapakita ng malinaw na pang-aabuso at pagmamalupit na ginawa ng driver, na siyang naging pangunahing dahilan at matibay na ebidensya para sa kanyang rekomendasyon na bawiin nang tuluyan ang kanyang lisensya sa pagmamaneho.

Inaasahang ilalabas ng LTO ang pinal na resolusyon kaugnay ng imbestigasyon sa naganap na insidente sa darating na December 18.

Dagdag pa rito, bukod pa sa rekomendasyon na bawiin ang lisensya ni Subong, ipinagbabawal na rin ang paggamit ng puting pick-up na sangkot sa insidente .