-- Advertisements --

Naghain ng resolution ang West Philippine Sea Bloc sa Kamara de Representantes para ideklara ang mga opisyal at residente ng Municipality ng Kalayaan sa Palawan bilang “Outstanding Filipinos of 2026.”

Ito ay sa gitna ng kanilang pagtindig laban sa agresyon ng China sa West Philippine Sea.

Ipirinisenta ang Resolution No. 780 sa pangunguna ni Akbayan Rep. Dadah Kiram Ismula kasama sina Akbayan Reform Bloc Representatives Chel Diokno, Percival Cendaña, Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao, katuwang sina Albay District 1 Rep. Cielo Krisel Lagman at Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima.

Sa naturang resolution, pormal na pinapurihan ang 16 na opisyal ng lokal na pamahalaan para sa kanilang tapang, pagbabantay at hindi natitinag na pangako sa soberaniya ng Pilipinas.

Kinilala rin ng grupo ang pambihirang katapangan, pagkamakabayan at integridad ng mga opisyal sa pamamagitan ng paggampan ng kanilang tungkulin sa kabila pa ng tensiyon.

Ayon sa mga mambabatas, magsisilbi ang deklarasyon bilang pagpapahayag ng suporta para sa mga nasa frontline ng paggiit ng Pilipinas sa soberaniya at hurisdiksiyon nito.

Kabilang sa mga opisyal na binanggit at kinilala sa kanilang katapangan ay sina Kalayaan Mayor Beltzasar Alindogan, Vice Mayor Maurice Phillip Alexis Albayda, Nonelon Balbontin, Nonie Gapuz, Roberto Asiado, Hubert Llavan, Francis Polizon, Marilou Vales, Monico Abogado, Eugenio Bito-onon, Hermoso Ornopia, Tracylie Shierjun Malabayabas, Arzel Belidan, Vicencio Milan, Allan Dellosa, at Mary Cristina Lagrosa.

Samantala, kinondena rin sa resolution ang tinawag nilang “wolf warrior diplomacy” at direktang pag-target ng foreign entities sa mga opisyal ng Pilipinas.