-- Advertisements --

Tiniyak ng pamunuan ng Social Security System (SSS) na nananatiling ligtas at matatag ang pondo para sa pensyon ng mga miyembro nito, kabilang na ang sa mga susunod na henerasyon.

Ito ay matapos maitala ng ahensya ang makasaysayang paglampas sa P1 trillion mark ng kanilang reserve funds noong 2025.

Sa ulat ni Finance Secretary at Social Security Commission (SSC) Chair Frederick Go, pumalo sa P142.97 billion ang net income ng SSS nitong nakalipas na taon—mas mataas ng 58.4% kumpara sa datos noong 2024.

Umakyat din ang kabuuang assets ng ahensya sa P1.26 trillion, na itinuturing na record-breaking financial performance.

Ayon kay Go, ang pinalakas na pondo ay garantiya na kayang tustusan ang benepisyo ng mga pensyonado sa mahabang panahon.

Kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., gagamitin ang matatag na pinansyal na posisyon ng SSS para masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyo, kabilang ang mabilis na proseso sa Micro Loan at Calamity Loan para sa mga miyembrong nangangailangan.