Umabot sa US$3.52 bilyon ang cash remittances mula sa mga Overseas Filipinos (OF) noong Disyembre 2025, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Mas mataas ito ng 4.2% kumpara sa parehong buwan noong 2024 at tumaas mula sa US$2.91 bilyon na naitala noong Nobyembre 2025.
Nag-ambag ang mga land-based workers ng US$2.83 bilyon, habang ang mga sea-based workers ay nagpadala ng US$0.69 bilyon.
Sa kabuuan, umabot sa US$35.63 bilyon ang cash remittances para sa buong taon ng 2025, mas mataas ng 3.3% kaysa sa US$34.49 bilyon noong 2024.
Nanatiling pangunahing pinagmumulan ng remittances ang Estados Unidos na may 39.7%, sinundan ng Singapore (7.3%) at Saudi Arabia (6.6%).
Kasama rin sa nangungunang pinagmumulan ang Japan (5.0%), United Kingdom at United Arab Emirates (tig-4.6%).
Samantala, umabot sa US$3.89 bilyon ang personal remittances noong Disyembre, na nagdala sa kabuuang US$36.62 bilyon para sa buong taon.
Ayon sa BSP, nananatiling mahalagang haligi ng ekonomiya ang remittances, lalo na sa panahon ng holiday season kung kailan mas mataas ang padala ng mga OFW.
















