Bumaba sa $98 bilyon ang gross international reserves (GIR) ng Pilipinas sa pagtatapos ng Oktubre, habang nakapagtala naman ng $1.5 bilyong deficit ang overall balance of payments (BOP) ng bansa sa nasabing buwan, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Biyernes.
Iniugnay ng BSP ang pagbaba ng foreign reserves sa net foreign exchange operations nito, pagbaba ng halaga ng ginto sa pandaigdigang merkado, at net foreign currency withdrawals ng pambansang pamahalaan para sa pagbabayad ng utang panlabas at iba pang pangangailangan sa pondo.
Sa kabila ng pagbaba, tiniyak ng central bank na nananatiling sapat ang reserba upang tugunan ang pangangailangan sa pag-aangkat ng bansa, bayaran ang mga obligasyon sa utang panlabas, at magsilbing pananggalang laban sa mga pandaigdigang pagyanig sa ekonomiya. Katumbas ang nasabing reserba ng 6.1 buwang halaga ng importasyon ng mga kalakal at pagbabayad sa mga serbisyo at primary income, at kayang punan nang humigit-kumulang 3.2 beses ang short-term external debt ng bansa batay sa residual maturity.
Samantala, dahil sa $1.5 bilyong BOP deficit noong Oktubre, lumawak sa $10.6 bilyon ang kabuuang kakulangan sa unang 10 buwan ng 2026, na mas mataas kumpara sa $4.6 bilyong deficit sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Paliwanag ng BSP, sumasalamin ang year-to-date deficit sa patuloy na kakulangan sa kalakalan ng mga produkto at net outflows mula sa foreign portfolio investments, na bahagyang napunan ng tuloy-tuloy na pagpasok ng remittances mula sa mga overseas Filipino, dayuhang pautang ng pamahalaan, trade in services, at foreign direct investments.















