TALISAY CITY, CEBU – Mahigit tatlong buwan matapos manalasa ang Typhoon Tino (Kalmaegi), daan-daang pamilya sa Talisay City ang nananatiling walang permanenteng tirahan.
Umabot sa 214 families ang patuloy na naninirahan sa mga tent matapos tangayin ng bagyo ang kanilang mga bahay sa kahabaan ng Mananga River.
Kabilang sa mga apektado ang matatanda, buntis, at maliliit na bata na araw-araw ay humaharap sa matinding pangamba at hirap ng pamumuhay.
Ang mga pamilyang ito ay kabilang sa unang nakatanggap ng tulong mula sa Philippine Red Cross (PRC), gaya ng non-food items, upang matulungan silang makatawid sa pananatili sa evacuation centers.
Gayunman, pansamantala lamang ang tulong na ito at hindi pa rin solusyon sa pangmatagalang pangangailangan ng tirahan.
Matapos ang 103 days mula sa pananalasa ng bagyo, bumisita sa Talisay City si PRC Secretary General Dr. Gwen Pang at IFRC Regional Director Alexander Matheou upang personal na makita ang kalagayan ng mga pamilyang nawalan ng tahanan.
Ibinahagi ng mga residente na bagama’t nakapagtukoy na ang pamahalaan ng relocation sites, marami ang nahihirapang tugunan ang financial requirements para makalipat.
Kinakailangan ng P15,000 down payment at P1,700 monthly amortizations sa loob ng tatlong taon, bukod pa sa kabuuang gastos sa pagpapatayo ng kanilang bagong bahay.
Sa ngayon, nananatili ang mga pamilya sa San Roque at Biasong Tent Cities, ngunit ang mga lugar na ito ay malapit pa rin sa ilog at madaling bahain, kaya’t nananatiling delikado ang kanilang kalagayan.
Tiniyak ng Philippine Red Cross na handa silang magpatayo ng 300 full shelters para sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol at bagyo sa Cebu.
Nanawagan din ang PRC sa mga partners, donors, at sa mas malawak na komunidad na magbigay ng karagdagang shelter support.
Ayon sa PRC, ang mga pamilyang ito ay hindi lamang bilang sa talaan, sila ay mga ama, ina, bata, at nakatatanda na naghihintay ng dignidad ng isang ligtas na tahanan at pagkakataong muling makapagsimula.
















