Nagsagawa na ng on-site investigation ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kasama ang iba’t ibang ahensya para imbestigahan kung tumatalima sa environmental laws ang kontrobersiyal na Monterazzas hillside project sa Cebu at kung may panganib itong dulot sa kalikasan.
Matatandaan, isa ang naturang proyekto sa sinisisi sa matinding pagbahang naranasan sa Cebu sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Tino noong nakalipas na linggo.
Kasama ng DENR sa imbestigasyon ang technical experts mula DENR-Central Visayas, Environmental Management Bureau, Mines and Geosciences Bureau, Provincial Environment and Natural Resources Office ng Cebu, at ang pamahalaang panlalawigan ng Cebu.
Sa on-site investigation, susuriin ng mga eksperto ang pagsunod ng proyekto sa Environmental Compliance Certificate (ECC), ang katatagan ng mga dalisdis, at ang posibleng panganib ng pagguho, pagbaha, at siltation sa paligid.
Ayon sa DENR, maaari silang magpataw ng multa, suspensyon, o iba pang legal na aksiyon kung mapatunayang may paglabag.
Sa ngayon, wala pang pahayag hinggil dito ang isa sa mga inhinyero ng proyekto at sikat ding celebrity na si Slater Young.















