-- Advertisements --

Naglabas na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng cease and desist order laban sa operator ng sanitary landfill sa Cebu City na gumuho noong nakaraang linggo, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Ayon sa DENR, ang kautusan ay inilabas ng kanilang regional office laban sa Prime Integrated Waste Solutions, Inc. (PIWSI), na dating kilala bilang ARN Central Waste Management, Inc. Ito ang kumpanyang nagpapatakbo ng Binaliw Sanitary Landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City.

Batay sa cease and desist order inaatasan ang pasilidad na itigil ang lahat ng operasyon ng sanitary landfill, kabilang ang pagtanggap ng basura, maliban na lamang sa mga ginagawang rescue, retrieval, at cleanup operations na isinasagawa kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Sinabi rin ng DENR na magsasagawa ito ng komprehensibong imbestigasyon upang matukoy ang mga salik na nagdulot ng pagguho ng mga tambak na basura.

Sa kasalukuyan umabot na sa hindi bababa sa walong (8) katao ang nasawi at 28 iba pa ang nawawala matapos gumuho ang malaking bulto ng basura sa pribadong pinatatakbong landfill.