-- Advertisements --

Inanunsiyo ng US Embassy sa Pilipinas ang pagbibigay ng karagdagang $1.5 million o katumbas ng P87 million emergency aid para sa disaster response effort ng Pilipinas para sa mga biktima ng mga nagdaang bagyong Tino at Super Typhoon Uwan.

Sa kabuuan, pumapalo na sa $2.5 million o katumbas ng P145 million ang halaga ng ibinigay na tulong ng Amerika.

Sa isang statement ngayong Sabado, sinabi ng Embahada ng Amerika sa Maynila na kabilang sa aid package ang suporta para sa logistics, emergency shelter, water, sanitation resources at sa pangangasiwa ng evacuation centers.

Ayon sa Embahada, patuloy ang kanilang pagtugon sa panawagan para sa tulong para sa isa sa kanilang kaalyado na Pilipinas at tiniyak ang patuloy na suporta sa mga ginagawang pagsisikap ng bansa para makapagligtas ng buhay, maibsan ang paghihirap at matugunan ang agarang pangangailangan.

Ang patuloy na mabilis na pagresponde ng US ay patunay aniya ng malalim na ugnayan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas lalo na sa panahon ng krisis.

Nauna na ring nagpadala noong nakaraang linggo ang militar ng Amerika ng iba’t ibang asset at personnel sa Pilipinas para suportahan ang relief operations sa mga sinalantang lugar dahil sa bagyong Tino at Uwan.