-- Advertisements --

Patuloy na bumubuhos ang tulong mula international partners ng Pilipinas para sa mga sinalanta ng bagyong Tino at Uwan, na nag-iwan ng malawak na pinsala at kumitil ng daan-daang katao.

Pinakabago dito ang ibinigay ng European Union (EU) na mahigit P85 milyong halaga ng humanitarian aid para sa mga sinalantang komunidad sa probinsiya ng Cebu kasunod ng malawakang pinsalang iniwan ng kamakailang bagyo at ng tumamang malakas na lindol.

Sa isang statement, inihayag ng EU na direktang makakatulong ang naturang halaga para sa paghahatid ng emergency assistance para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan o nananatiling diplaced.

Sa kabuuang halaga, nasa P17 million ang ibibigay sa pamamagitan ng Philippine Red Cross para magbigay ng mga shelter materials, sleeping kits, household essentials at tulong pinansiyal para sa kanilang pangunahing pangangailangan. Kabilang din sa aid package ang healthcare, water at sanitation support.

Ayon sa EU, ang naturang pondo ay parte ng kontribusyon nito sa Disaster Response Emergency Fund ng International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies.