-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patay ang isang criminology graduating student matapos barilin ang sarili sa Barangay Mariquet sa bayan ng Solsona dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Ayon kay P/Capt. Randy Damo, hepe ng Solsona Municipal Police Station, kinilala ang biktima na 22-anyos na residente ng nasabing barangay.

Aniya, natagpuan ang biktima na walang malay at duguan ang ulo habang nakayakap ang ina sa kanyang anak.

Isinugod sa Rural Health Unit ang biktima ngunit idineklara itong patay habang nilalapatan ng lunas.

Sabi niya na may tama ng bala sa ulo ang biktima na tumagos sa kabilang bahagi ng kanyang ulo.

Kaugnay nito, bago ang insidente, nagtataka aniya ang mga magulang ng biktima kung bakit hindi naka-uniporme ang kanilang anak kahit may On the Job Training ang mga kaklase nito.

Dahil dito, nagtungo ang mga magulang ng biktima sa kanyang paaralan sa Data Center College of the Philippines kung saan dito nila nalaman na bumagsak ang kanilang anak at hindi kasama sa mga magtatapos ngayong taon.

Lumalalabas sa imbestigasyon na nakaramdam ng matinding depression ang biktima nang malaman ng kanyang mga magulang ang tunay na estado ng kanyang pag-aaral.

Sinabi ni P/Capt. Damo, ipinaalam ng ama ng biktima na calibre 22 na baril ang ginamit sa pagpapakamatay ng kanyang anak kung saan matagal na niya itong itinatago sa kwarto nilang mag-asawa ngunit hindi niya maisip kung bakit natagpuan ito ng kanyang anak.

Idinagdag niya na ito ang unang pagkakataon na tinangka ng biktima na magpakamatay.