-- Advertisements --

Tila hindi na kinagulat ni dating U.S. President Barack Obama ang umano’y kawalan ng hiya at decorum sa political discourse sa Amerika matapos lumabas ang isang kontrobersyal na video sa social media account ni U.S. President Donald Trump.

Sa isang podcast interview kasama ang political commentator na si Brian Tyler Cohen, sinagot ni Obama ang video na ibinahagi sa Truth Social ni Trump noong Pebrero 5 kung saan makikitang inilagay ang mukha nila ng dating first lady Michelle Obama sa katawan ng mga unggoy sa isang maikling bahagi ng clip.

Ang naturang video, na naglalaman din ng mga conspiracy claims kaugnay ng 2020 election, ay agad umani ng batikos mula sa iba’t ibang panig ng US political spectrum.

Una itong tinawag ng White House na “fake outrage” bago sinabing naipost ito dahil sa pagkakamali ng isang staff member na kalaunan na tinanggal.

‘CLOWN SHOW’ SA SOCIAL MEDIA

Sa panayam, sinabi ni Cohen kay Obama na tila lumala ang tono ng diskurso nito sa politika.

Sumagot si Obama na karamihan sa mga Amerikano ay “deeply troubling” ang tingin sa ganitong asal, kahit hindi niya direktang binanggit si Trump.

“There’s this sort of clown show that’s happening in social media and on television… there doesn’t seem to be any shame,” ani Obama. Dagdag pa niya, tila nawala na ang dating respeto at propriety para sa tanggapan ng pangulo.

Ipinahayag din niya ang paniniwala na ang ganitong uri ng messaging ay maaaring makaapekto sa Republican Party sa mga darating na midterm elections, at aniya, ang magiging sagot ay manggagaling sa mga mamamayan ng Amerika.

Samantala, una nang sinabi ni Trump na hindi niya nakita ang naturang offensive clip, ngunit naninindigan siya sa mga pahayag sa video kaugnay ng umano’y election fraud noong 2020 laban kay Joe Biden.

Bukod sa isyu ng social media post, tinuligsa rin ni Obama ang immigration crackdown na isinagawa ng administrasyon ni Trump sa Minnesota.

Inihalintulad niya pa ang naging kilos ng ilang federal agents sa mga demonstrador na karaniwan daw na makikita sa mga authoritarian countries.

Libo-libong federal agents kasi, kabilang ang mga mula sa Immigration and Customs Enforcement (ICE), ang nagsagawa ng malawakang raids at pag-aresto sa loob lamang ng ilang linggo.

Ngunit nagbunsod ito ng malawakang protesta at batikos sa buong bansa, lalo na matapos ang dalawang fatal shootings na naganap sa operasyon.

Tinawag ni Obama na “deeply concerning and dangerous” ang umano’y rogue behavior ng ilang federal agents. Gayunpaman, sinabi rin niya na hindi lahat ng Amerikano ay ganoon umasal.

“Not just randomly, but in a systematic, organized way, citizens saying, ‘this is not the America we believe in,’” ani Obama.