Umani ng matinding batikos si U.S. President Donald Trump matapos magbahagi ng isang racist video na naglalarawan kina dating U.S. President Barack Obama at dating First Lady Michelle Obama bilang mga unggoy, na agad namang binura sa kanyang Truth Social account at itanggi na nakita niya ang naturang clip.
Ang video ay unang na-post noong Huwebes na nagdulot ng pagtaas ng kilay mula sa magkabilang panig ng U.S. political spectrum.
Ipinakita sa halos isang segundong bahagi ng video ang mukha ng mag-asawang Obama na inilagay sa katawan ng mga unggoy, bilang bahagi ng mas mahabang video na nagpo-promote ng conspiracy theories kaugnay ng umano’y pandaraya sa 2020 U.S. presidential election.
Sa una itinanggi ng White House ang mga pambabatikos at tinawag itong “fake outrage.” Ayon kay White House Press Secretary Karoline Leavitt, ang video ay bahagi lamang umano ng isang internet meme.
“Please stop the fake outrage and report on something today that actually matters to the American public,” ani Leavitt sa isang pahayag.
Ngunit makalipas ang halos 12 oras, binawi ng administrasyon ang paratang at inamin na isang staff member nila ang nagkamali ng pag-post.
“A White House staffer erroneously made the post. It has been taken down,” ayon sa isang White House official.
Sa panayam kay Trump sinabi niyang hindi niya napanood ang buong video bago ito mai-post.
“I just looked at the first part… and I didn’t see the whole thing,” ani Trump, sabay dagdag na ibinigay niya lamang ito sa kanyang staff upang i-upload. Nang tanungin kung kinokondena niya ang racist imagery, sinabi niya: “Of course I do.”
Wala pang pahayag ang kampo ng mag-asawang Obama hinggil sa insidente.
Samantala, mariing kinondena ng mga Democrats ang post. Tinawag ni House Minority Leader Hakeem Jeffries si Trump na “vile, unhinged and malignant” at hinimok ang mga Republican na kondenahin ang aniya’y lantad na bigotry ng pangulo.
Maging ilang miyembro ng Republican Party ay nagpahayag din ng pagkondena. Si Senator Tim Scott, ang tanging Black Republican senator, ay tinawag ang video bilang “the most racist thing I’ve seen out of this White House” at nanawagan na agad itong tanggalin.
Sinabi naman ni Senator Roger Wicker na ang post ay “totally unacceptable” at dapat umanong humingi ng public apology ang Pangulo.
Naglabas din ng pahayag si dating Vice President Kamala Harris, na matagal nang kritiko ng racial rhetoric ni Trump.
“No one believes this cover up from the White House, especially since they originally defended this post,” ani Harris sa X (dating Twitter). “We are all clear-eyed about who Donald Trump is and what he believes.”
Matatandaang sinimulan ni Trump ang kanyang political rise sa pamamagitan ng pagpapakalat ng racist “birther” conspiracy theory laban kay Obama.
Sa kanyang ikalawang termino, patuloy rin siyang gumagamit ng AI-generated at manipulated visuals sa social media na lalong nag-pagalit sa kanyang mga kritiko.
Kamakailan lamang ay pinangunahan din ni Trump ang kampanya laban sa diversity, equity and inclusion (DEI) programs, na nag-ugat sa civil rights movement na pinamunuan ng mga Black Americans matapos ang mahabang kasaysayan ng slavery at institutional racism sa Estados Unidos.
















