Ipinahayag ni U.S. President Donald Trump na inatasan niya ang U.S. negotiators na huwag madaliin ang posibleng kasunduan sa Iran, sa gitna ng mga ulat na malapit nang maabot ang isang deal upang mapagaan ang tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa isang post sa Truth Social, sinabi ni Trump na maayos at “constructive ” ang takbo ng negosasyon, ngunit mas mainam umanong huwag itong madaliin dahil pumapabor aniya sa Amerika ang oras.
Ayon pa kay Trump, mananatili ang blockade ng Estados Unidos sa mga pantalan ng Iran hanggang sa makumpleto, mapirmahan, at mapagtibay ang anumang kasunduan.
Matatandaang ipinatupad ang blockade mula noong Abril 13 kasunod ng lumalalang tensyon sa pagitan ng U.S. at Iran sa Strait of Hormuz, na isang mahalagang ruta ng pandaigdigang suplay ng langis.
Samantala, sinabi ng tagapagsalita ng Foreign Ministry ng Iran na si Esmaeil Baqaei na malapit na silang makabuo ng isang “framework agreement” na binubuo ng 14 na probisyon bilang bahagi ng peace talk.
Sa kabila nito, hindi nakaligtas sa intriga ang panibagong kasunduan kung saan umugong ang ilang detalte sa posibleng kasunduan na agad namang ikinabahala ng ilang mambabatas at dating opisyal sa Washington.
Nauna nang sinabi ni Trump na ang kasunduan ay halos tapos na ngunit kailangan pa rin ng pinal na agreement bago ito tuluyang maisakatuparan.
















