-- Advertisements --

Nilinaw ni dating U.S. President Barack Obama ukol sa kanyang naging pahayag tungkol sa umano’y existents ng mga aliens matapos itong pag-usapan online.

Sa isang podcast interview ni Brian Tyler Cohen, tinanong ang dating presidente kung totoo nga ba ang mga aliens. Sagot ni Obama, “They’re real. But I haven’t seen them. And they’re not being kept in Area 51.”

Bagama’t malinaw na sinabi niyang wala siyang personal na nakitang ebidensiya habang noo’y pangulo ng Amerika, ay nagdulot naman ito ng mga haka-haka na maaaring may alam siya tungkol sa kinaroroonan ng mga ito.

Dahil dito, naglabas siya ng paglilinaw sa kanyang social media page. Ayon kay Obama, sinusunod lamang niya ang mabilisang format ng tanong.

Paliwanag pa niya na batay sa lawak ng universe, malaki ang posibilidad na may ibang anyo daw ng buhay sa labas ng Earth.

Gayunpaman, sinabi niyang napakalayo ng mga solar system sa isa’t isa kaya maliit ang tsansang may bumisita na sa atin at wala din daw siyang nakitang ebidensiya ng pakikipag-ugnayan ng extraterrestrials sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Matagal nang usap-usapan ang mga conspiracy theory sa Area 51, isang secret facility ng militar sa Nevada na inamin noon ng Central Intelligence Agency noong 2013 na ito ay operational, ngunit una na nilang itinangi na may kaugnayan ito sa UFO crashes o mga aliens.

Sa mga nakaraang taon, naglabas din ng ilang ulat ang mga ahensiya ng US tungkol sa mga tinatawag na UAPs o “unidentified anomalous phenomena,” ang bagong terminong ginagamit sa halip na UFO. Karamihan sa mga ito ay pinaniniwalaang natural na pangyayari, ilaw o karaniwang bagay tulad ng ibon, drone, o maski ang lobo.

Sa kabila ng mga haka-haka, iginiit ni Obama na wala siyang espesyal na kaalaman tungkol sa aliens at ang kanyang pahayag ay batay lamang sa siyentipikong posibilidad.