-- Advertisements --

Siniguro ng Department of Agriculture (DA) na matatag ang suplay ng bigas sa Pilipinas sa kabila ng magkakasunod na kalamidad na tumama sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Tinukoy ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kasalukuyang stock na kaya pang magtagal hanggang 70 araw.

Bago ang pagtama ng Super Typhoon Uwan, hawak pa ng Pilipinas ang mas malaking bulto ng stock na maaaring umabot o magtagal ng 89 araw.

Gayunpaman, nananatiling mahaba pa rin aniya ang 70 araw na itatagal ng stock ng bigas sa bansa.

Sa kasalukuyan kasi ay hindi pa inaalis ng pamahalaan ang importation ban o pagtigil sa pag-angkat ng bigas at sa halip ay lalo pang pinalawig ang implementasyon nito.

Ayon sa kalihim, mahigpit na binabantayan ng gobiyerno ang suplay ng bigas upang masigurong may sapat na stock, sa kabila ng mga kalamidad at ng umiiral na importation ban.

Sa kasalukuyan ay wala ring plano ang DA na agahan ang pag-alis ng ban mula sa orihinal na takdang araw na Enero 1, 2026.

Katwiran ni Laurel, kung binuksan na muli ang importasyon sa pagpasok ng 2026, aabot lamang ng walong araw bago tuluyang dumating sa Pilipinas ang unang bulto ng bigas na aangkatin ng bansa.