Nagbigay ng pahayag si UP Prof. Jay Batongbacal hinggil sa panawagan ng Chinese Embassy sa Manila na disiplinahin si Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard para sa West Philippine Sea, dahil sa isang PowerPoint slide na naglalaman ng caricature na kahawig ni Chinese President Xi Jinping.
Ayon kay Batongbacal, makikita rito ang malinaw na double standard ng tinaguriang “Wolf Warrior” diplomacy ng China.
Ipinaliwanag niya na mismong mga Chinese embassy accounts at diplomats sa iba’t ibang bansa ay nagpalaganap na rin ng caricatures laban sa mga banyagang lider, bukod pa sa pagbabanta at pagpapakalat ng fabricated imagery.
Binanggit niya ang tatlong halimbawa: isang post ng Chinese Embassy Manila na nangungutya kay Japanese Prime Minister Takaichi Sanae; ang beheading threat ni Chinese Consul-General sa Osaka Xue Jian laban sa prime minister ng Japan; at ang fabricated image na ibinahagi ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Zhao Lijian kung saan makikita ang isang Australian soldier na may hawak na bloodied knife sa tabi ng isang bata.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Batongbacal na hindi makatarungan ang panawagan laban kay Tarriela kung ikukumpara sa mga naunang aksyon ng mismong mga opisyal ng China.















