-- Advertisements --

Inihayag ng Malacañang na si Vice President Sara Duterte ang nararapat na magpaliwanag sa lumutang na ulat kaugnay ng makailang beses na pagbisita umano nito sa Camp Bagong Diwa upang dalawin ang detainee na si Ramil Madriaga.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na wala pang natatanggap ang Malacañang na anumang opisyal na ulat mula sa BJMP o DILG na magpapatunay sa naturang alegasyon.

Gayunman, binigyang-diin ni Castro na ang Bise Presidente ang dapat tanungin sa mga nasabing akusasyon.

Tugon ito ni Castro sa tanong kaugnay sa isang social media post na ilang beses umanong binisita ni VP Sara si Madriaga at pinakiusapan na huwag magsalita tungkol sa umano’y sabwatan ng mga Duterte sa POGO operators at drug lords. 

Kumalat din nitong mga nakalipas na araw ang umano’y sinumpaang salaysay ni Madriaga na nagsasabing nagmula ang campaign funds ni VP Sara noong 2022 elections sa mga POGO at drug lord.

Nabatid na hanggang ngayon ay tahimik pa ang kampo ni VP Sara hinggil sa naturang isyu.