-- Advertisements --

Nagpatupad na ng price cap ang Department of Agriculture (DA) sa mga karneng baboy epektibo ngayong Biyernes, Disyembre 5 para maibsan ang pagsipa ng mga presyo sa kasagsagan ng Christmas season.

Sa isang statement, inanunsiyo ng DA na naglabas na ito ng administrative circular na nagpapatupad ng price cap o maximum suggested retail price (MSRP) na P370 kada kilo para sa pork liempo, P330 kada kilo para sa kasim at pigue.

Paliwanag ni Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr., nagtakda ang ahensiya ng price cap para sa karneng baboy kasunod ng mga konsultasyon sa meat retailers at iba pang players.

Ayon sa kalihim, kailangang ibalik ang maayos na retail price ng karneng baboy, na paboritong pinagkukunan ng protina ng mga Pilipino na karaniwang mataas ang demand kapag Pasko.

Nauna ng iniulat naman ng Agribusiness Marketing and Assistance Service ng DA na sumipa ang presyo ng karneng baboy sa mga nakalipas na linggo gaya na lamang sa liempo na tumaas ng hanggang P480 kada kilo sa unang bahagi ng Nobiyembre, na inilarawan naman Sec. Laurel na “absurd” gayong bumagsak ang farm gate prices ng baboy.

Samantala, tiniyak naman ng kagawaran na mayroong sapat na suplay ng baboy sa bansa para ngayong holiday season.