-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na ligtas ang pagkain ng karneng baboy sa gitna ng mga napaulat na kaso ng African Swine Fever (ASF) sa tinaguriang Lechon Capital of the Philippines, ang La Loma sa Quezon City.

Sa isang statement, ipinaliwanag ng DOH na hindi mahahawa ng ASF ang tao mula sa mga baboy, kayat hindi ito banta sa kalusugan ng tao at nananatiling ligtas na kumain ng baboy.

Ayon sa DOH, ang mga baboy ay maaaring kapitan ng ASF mula sa infected na mga baboy o kontaminadong pagkain. Lahat aniya ng infected ng ASF na baboy ay namamatay kalaunan at hindi naihahawa ang sakit sa tao.

Sa kabila nito, nagpaalala ang ahensiya sa publiko na lutuing mabuti ang karne para maiwasan ang anumang sakit.

Matatandaan, nauna ng ipinag-utos ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang pagsasara sa 14 na lechonan sa La Loma matapos na ilang mga baboy ang nagpositibo sa ASF. Isinagawa naman na ang disinfection sa mga apektadong tindahan ng lechon.