Ganap na pinagbigyan ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na huwag dumalo sa nakatakdang confirmation of charges hearing kaugnay ng kanyang war on drugs.
Sa dokumentong may petsang Pebrero 20, 2026, sinabi ng Chamber: “The Chamber hereby grants the request; decides that the hearing on the confirmation of charges will be held in the absence of Mr. Duterte.”
Kasabay nito, inatasan ng Chamber ang kampo ni Duterte, ang ICC Prosecutors, at ang common legal representative ng mga biktima na tukuyin kung alin sa kanilang mga filings ang maaaring gawing public o dapat manatiling redacted.
Ang confirmation of charges hearing ay nakatakda sa Pebrero 23, 24, 26, at 27, 2026 sa The Hague, Netherlands.
Matatandaang mas maaga ngayong linggo, naglabas si Duterte ng pahayag na i-waive ang kanyang karapatang dumalo sa hearing, dahil sa kanyang edad, kalusugan, at dahil hindi niya kinikilala ang hurisdiksiyon ng ICC.
















