Nakahanda na ang 3.5 million family food packs para sa mga residenteng maaapektuhan ng bagyong Basyang, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Paliwanag ng ahensiya, may sapat itong bulto ng family food packs na naka-preposisyon sa iba’t ibang rehiyon na inaasahang dadaanan at maaapektuhan ng bagyo.
Bilang paghahanda sa epekto ng bagong bagyo, inatasan na ng DSWD ang mga regional office nito na maging alerto at bantayan ang sitwasyon, lalo sa mga lugar na magsasagawa ng preemptive evacuation.
Sa kasalukuyan, mayroong mahigit 186,000 FFP sa CARAGA, higit 77,000 FFP sa Central Visayas, at mahigit 161,000 sa Eastern Visayas, tatlo sa mga rehiyong inaasahang pangunahing maaapektuhan ng bagyo.
Nakahanda rin ang mahigit 672,000 FFPs sa Luzon Disaster Resource Operations Center habang sa Visayas Disaster Resource Operations Center ay nakaimbak ang mahigit 317,000 .
Nasa ilalim na ng Blue Alert status ang DSWD kasabay ng inaaasahang pagdaan ng bagyong Basyang sa Visayas at Mindanao.
Samantala, nakahanda rin ang mahigit P3.04 billion Quick Response Fund ng ahensiya na maaaring gamitin para sa relief at early recovery operations.
















