-- Advertisements --

Matagumpay na na-repatriate pabalik sa bansa ang nasa 190 na Overseas Filipino Workers (OFWs) na naging biktima ng human trafficking operations sa Cambodia kaninang madaling araw.

Mula sa Phnom Penh, lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang sinasakyang chartered flight ng mga biktima bandang alas-4:03 ng umaga.

Agad na sinalubong ang grupo ng isang whole-of-government team sa pangunguna ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac upang tiyakin ang kanilang kaligtasan at maayos na pagproseso pagdating sa bansa.

Katuwang ng DMW sa pagsalubong at pagbibigay ng agarang tulong ang mga matataas na opisyal mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa psycho-social at financial assistance.

Naroon din ang mga kinatawan ng law enforcement at legal cluster ng gobyerno kabilang ang Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration (BI), at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para sa kaukulang imbestigasyon at profiling laban sa mga sindikato ng human trafficking.

Inaasahang sasailalim sa debriefing at assessment ang mga nasabing OFW bago tuluyang makauwi sa kani-kanilang mga pamilya.