-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni Acting Justice Secretary Fredderick Vida ang hindi pagsama umano sa National Bureau of Investigation (NBI) sa paghahanap sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, na nahaharap sa mga kaso kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.

Ayon kay Vida, malinaw ang utos ng korte na lahat ng law enforcement agencies ay dapat magtulungan, at wala umanong direktiba mula sa Department of Justice na ibukod ang NBI. Itinanggi rin niya na may ganitong usapan sa pagitan niya at ni NBI Director Lito Magno.

Dagdag ng kalihim, kanya-kanyang ginagampanan ng mga ahensya ang kanilang papel sa operasyon, at iginiit na walang opisyal ng gobyerno ang naglalabas ng impormasyon tungkol dito.

Ginawa ng opisyal ang paglilinaw kasunod ng sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na hindi siya humihingi ng tulong sa NBI at pinayuhan umano siyang iwasan ito dahil sa posibleng pag-leak ng impormasyon. Sa kabila nito, tiniyak ng DOJ na nananatiling coordinated ang mga ahensya alinsunod sa utos ng korte.