Ikakasa ang dalawa pang malawakang rally laban korapsiyon sa Oktubre 17 at 21 sa lungsod ng Maynila, ayon sa Kilusang Bayan
Isasagawa ito ng mga grupong nasa likod din ng isinagawang trillion peso march rally noong Setyembre 21.
Kabilang dito ang nag-organisa ng Baha sa Luneta rally na Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (Tama Na) at iba pang mga organisasyon gayundin ang Kilusang Bayan Kontra Kurakot, na binubuo ng anticorruption groups.
Ayon sa Kilusang Bayan, naghahanda na ang mga grupo para sa mas malawakan pang aksiyon sa mga susunod na araw para magtuluy-tuloy ang public pressure at demand sa pananagutan sa nagpapatuloy na flood control at corruption scandals.
Papangunahan din ng mga grupo ng mga kabataan ang rally at martsa sa Mendiola sa Maynila sa Oktubre 17.
Ayon pa sa mga organizer, tumanggi ang mga kabataan na manahimik na lamang habang bilyun-bilyong kaban ng bayan ang ninakaw, kayat kanila aniyang ipapaabot ang kanilang boses sa mga makapangyarihan.
Samantala, ang protesta naman na ilulunsad sa Oktubre 21 ay papangunahan ng grupo ng mga magsasaka mula sa mga lugar na naapektuhan ng baha sa Liwasang Bonifacio para magprotesta laban sa kanilang tinawag na lantarang “pagtatakip” sa umano’y korapsiyon sa Kongreso at Independent Commission for Infrastructure (ICI) at sasama din dito ang multisectoral organizations.
Ayon pa sa Kilusang Bayan, nangako umano ang mgaa grupo kasama ang organizers ng mass action sa Oct. 17 na ipagpatuloy ang kanilang coordinated efforts sa mga susunod na linggo bilang paghahanda sa nationwide rally sa November 30.