Target ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na kumuha ng mas marami pang volunteer at magdeploy ng karagdagang tactical units upang mas mapabilis ang susunod na Traslacion.
Ito ay matapos na umabot ng halos 31 oras ang prusisyon ng Poong Hesus Nazareno ngayong taon, halos doble sa target ng NCRPO na 15 oras.
Ayon kay NCRPO Director Maj. Gen. Anthony Aberin, sisiguruhin nila sa susunod na makarating sa tamang oras ang andas na nagdadala ng Imahen ng Poong Hesus Nazareno sa Quiapo Church sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga volunteer.
Habang ang adjustment naman na gagawin ay ang pagdedeploy ng mga tactical units sa rutang daraanan ng andas para tumulong sa pag-usad nito.
Isa nga sa nakikitang nagpabagal sa pag-usad ng andas, base sa NCRPO Chief, ang dami ng mga deboto partikular na sa may Arlegui Street.
Sinabi naman ni Aberin na ikinokonsidera ng NCRPO na mamagitan sa prusisyon para bigyang daan ang mas mabilis na pagkilos ng andas kapag dumaan ito sa may Arlegui Street, subalit ito aniya ay nakadepende pa rin sa pag-apruba ng mga opisyal ng simbahan.
















