Plano ng Quiapo Church na magsagawa ng masusing pag-aaral para sa posibleng pagbabago sa andas, crowd management, at ruta ng Traslacion matapos ang halos 31-oras na prusisyon ng Pista ng Poong Jesus Nazareno ngayong taon.
Ayon kay Quiapo Church vicar Rev. Fr. Robert Arellano, magkakaroon ng assessment upang matukoy ang kailangang baguhin para sa mga susunod na pagdiriwang, kabilang ang Nazareno 2027.
Bagama’t sinabi niyang maaga pa para magdesisyon, binanggit ni Arellano na posibleng baguhin ang andas o ang karwaheng kinalalagyan ng imahe ng Nazareno, pati na rin ang sistema ng crowd management.
“Maybe there will be a change in the andas… dahil malaking tulong ito, pati na rin ang crowd management,” ani Arellano.
Dagdag pa nito na walang deboteng dapat nasa unahan ng imahe upang hindi maantala ang pag-usad ng prusisyon.
Tungkol naman sa ruta ng Traslacion, sinabi ni Arellano na taon-taon itong pinag-aaralan, ngunit ang pagbabago rito ay isang “major decision” na dapat nakabatay sa datos.
Naitala ngayong taon ang pinakamahabang Traslacion sa kasaysayan, na tumagal ng 30 oras, 50 minuto, at isang segundo —nilampasan ang record ng Nazareno 2007 na lumampas sa 24-oras.
Bukod dito, umabot sa 9,640,290 deboto ang lumahok sa 10-araw na pagdiriwang mula Disyembre 31 hanggang Enero 10, ang pinakamataas na bilang na naitala ng Quiapo Church.
Ayon pa kay Arellano, humigit-kumulang 5.5 milyon ang nabilang sa mismong Traslacion, habang ang iba ay dumalo sa mga misa, nobenaryo, Misa Mayor, at mga aktibidad sa Quirino Grandstand.
Aminado ang pari na ang napakaraming deboto ang pangunahing dahilan ng pagkaantala ng prusisyon.
“Napakaraming taong sumalubong sa andas, at mahirap silang hatiin. Kapag may malaking puwersa sa unahan ng imahe, nahihirapan itong umusad nang diretso,” aniya.
APAT ANG NASAWI
Kinumpirma rin ni Arellano na apat na katao ang nasawi sa gitna ng pagdiriwang. Tatlo sa kanila ay mga debotong lumahok sa Traslacion, habang ang ikaapat ay ang photojournalist na si Itoh Son, 55, na natagpuang walang malay habang nagko-cover ng pista ng Nazareno.















