Itinuturing ng Philippine National Police (PNP) na mapayapa at maayos sa kabuuan ang idinaos na halos 31 oras na Traslacion ngayong taon, na itinuturing bilang pinakamatagal na prusisyon ng Poong Hesus Nazareno sa kasaysayan.
Ayon kay PNP acting chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., nagpapakita ito ng propesyunalismo, disiplina at dedikasyon ng kapulisan na ipinakalat mula sa simula pa lamang ng mga serye ng aktibidad hanggang sa implementasyon ng security plan.
Malaki rin aniya ang naging papel ng operational readiness sa pagpigil sa major untoward incidents.
Subalit, nagpaabot din ng pakikiramay ang hepe ng pambansang pulisya kaugnay sa tatlong napaulat na nasawi sa kasagsagan ng Traslacion kabilang ang isang photojournalist at dalawang deboto.
Pinuri rin ni Nartatez ang mga kapulisan sa kanilang ipinamalas na sikap at tiyaga sa pagtiyak sa seguridad sa kabuuan ng Traslacion.
Inihayag ni Nartatez na ang Traslacion ngayong taon ay isang pambihirang pagpapakita ng disiplina, pagsisikap at commitment sa kanilang mandato na pagsilbihan at protektahan ang taumbayan.
Sa kabila aniya ng pagod at kawalan ng tulog, nananatili aniya ang mga ground commander at personnel sa ground upang siguruhin na istriktong naipapatupad sa kani-kanilang hurisdiksiyon ang kaligtasan ng publiko at mapangasiwaan ang dami ng tao.
Maliban sa pagpupugay sa lahat ng kapulisan dahil sa matagumpay na pagpapatupad ng security measures, pinuri rin ng hepe ng pambansang pulisya ang lahat ng commanders at personnel para sa exclellent real-time adjustment ng security plan na nagresulta sa mapayapa at makabuluhang Traslacion.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang PNP Acting Chief sa lahat ng personnel ng iba pang mga ahensiya ng gobyerno para sa karagdagang pwersa, sa mga miyembro ng media para sa kanilang pagsisikap at pag-extend ng kanilang tungkulin para makapaghatid ng update sa taumbayan gayundin nagpasalamat ang hepe sa kooperasyon ng publiko.















