Pumalo sa kabuuang 1,019 deboto ang nirespondehan at nilapatan ng medikal na atensiyon ng Department of Health (DOH) sa kasagsagan ng Traslacion ngayong araw, Enero 10.
Ayon sa DOH, nasa 390 dito ay mga debotong nasugatan na nadaganan ng kapwa nila deboto, naipit ng andas at nahulog mula sa pag-sampa sa andas.
Iniulat din ng ahensiya na may ilang pasyente na naputulan ng daliri sa paa matapos magulungan ng andas.
Maliban sa mga naitalang sugatang deboto, may iba naman na nahilo, nakaranas ng hypertension at hypotension o pagbaba ng dugo na idinulog sa medical tents ng DOH.
Mayorya sa mga nilapatan ng medikal na atensyon ng DOH Health Emergency Response Teams ay kalalakihan, kung saan nasa edad 20 hanggang 24 anyos ang pinakamatinding naapektuhan na sinundan ng mga kabataan 15 anyos hanggang 19 anyos.















