-- Advertisements --

Mararamdaman umano sa ekonomiya ng Pilipinas ang negatibong epekto ng nagpapatuloy na digmaan sa Middle East.

Ayon kay Prof. Emmanuel Leyco, ang pagtaas ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado ay dulot ng mahigpit na supply mula sa Strait of Hormuz, na isa sa pinakamahalagang ruta ng krudo sa buong mundo.

Dagdag pa ni Leyco, posibleng mas lumala ang sitwasyon kung matutuloy ang worst-case scenario na binanggit ni US President Donald Trump, na maaaring tumagal ng apat na linggo o higit pa ang giyera.

Dahil umaasa lamang ang Pilipinas sa inaangkat na krudo ng mga pribadong kumpanya, wala umanong magagawa ang bansa sa presyo ng langis.

Ang tanging hakbang ng pamahalaan ay ang pagbawas ng paggamit ng petrolyo at paghikayat sa pribadong sektor na magtipid.

Nagbabala din ang mga business groups na maaapektuhan ang Philippine exports dahil sa posibleng embargo at blockages sa supply chain, lalo na’t maraming raw materials ng bansa ay mula sa Middle East.

Ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), malaki ang epekto ng giyera sa energy security, presyo ng bilihin, at kalagayan ng overseas Filipino workers (OFWs) sa rehiyon.

Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay nagdudulot ng inflationary shock na ramdam ng mga kabahayan at industriya.

Kung magtatagal ang labanan, hindi lamang presyo ng petrolyo ang tataas kundi pati na rin ang halaga ng mga pangunahing bilihin, habang lumalakas ang panganib sa supply chain ng exports.