-- Advertisements --

Bukas si House Speaker “Bojie” Dy III na amyendahan ang batas para maibaba ang buwis sa langis.

Tugon ito ni Dy kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na plano nitong kausapin ang liderato ng Kamara at Senado para pag-usapan na bigyan siya ng kapangyarihan para maibaba ang buwis sa langis.

Layon kasi ng Pangulong Marcos na maprotektahan ang mamamayan laban sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay Dy, kapag lumampas sa 80 dolyar kada bariles ang presyo ng Dubai crude, tiyak na mararamdaman ito sa pamasahe, presyo ng pagkain, at iba pang pangunahing bilihin. 

Dahil dito, bukas ang Kamara na makipag-ugnayan sa Senado upang pag-aralan at, kung kinakailangan, amyendahan ang batas upang mabigyan ang Pangulo ng kapangyarihang ibaba ang excise tax sa panahon ng matinding pagtaas ng presyo ng langis.

Suportado rin niya ang panawagan sa mga ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng kuryente sa gitna ng umiiral na tensyon sa Middle East.

Binigyang-diin ni Dy na sa harap ng mga hamon, dapat kumilos ang pamahalaan nang may malasakit, pananagutan, at kahandaan, habang inuuna ang kapakanan ng mamamayan.