-- Advertisements --

Binawi na ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Surigao del Norte ang travel restrictions para sa mga barkong patungong Cebu, Southern Leyte, at Dinagat Islands, kasunod ng pagbaba ng banta ng Tropical Storm Ada.

Sa isang advisory nitong Sabado, sinabi ni station commander Ensign Roy Christopher Orillaneda na hindi na sakop ng storm warning ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang tatlong probinsya.

Ayon sa PAGASA, bandang alas-8 ng gabi, bumagal ang galaw ng bagyo malapit sa Catanduanes.

Kasunod nyan inalis na rin ni Orillaneda ang mga restrictions sa paglalayag patungong Siargao at Bucas Grande islands, mga pamosong destinasyon sa Surigao del Norte.

Nabatid na ang mga travel restriction ay ipinatupad mula Huwebes ng hapon bilang pag-iingat laban sa paparating na bagyo, na nakaapekto sa parehong passenger at cargo vessels na nagbibiyahe mula Surigao City patungong Visayas at Manila.

Patuloy na minomonitor ng PCG ang lagay ng dagat at pinaalalahanan ang mga biyahero na mag-ingat.