Isinaaktibo na ang regional emergency response protocols ng Overseas Workers Welfare Administration-7 katuwang ang Department of Migrant Workers-7 kasunod ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Kaugnay nito, nakastandby 24/7 ang kanilang mga tauhan sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) upang tiyakin ang maayos na pagdating at reintegrasyon ng mga overseas Filipino Workers mula sa Central Visayas.
Batay sa ulat ng ahensya kahapon, Marso 2, wala pa naman silang natatanggap na ulat ng nasawi, nasugatan, o humihiling ng agarang tulong mula sa mga OFWs ng rehiyon.
Patuloy naman ang koordinasyon ng tanggapan sa Migrant Workers Offices sa iba’t ibang bansa sa Middle East para sa real-time updates.
Tinatayang 33,903 rehistradong OFWs mula sa Region-7 ang kasalukuyang nasa mga apektadong lugar.
Samantala, nanawagan naman si Overseas Workers Welfare Officer II Christina Marie Vistal sa mga OFWs na stranded sa Cebu na agad lumapit sa OWWA personnel para sa kinakailangang tulong.
Ayon kay Vistal, may nakahandang mga tauhan sa OWWA counter sa International Departure Terminal ng Mactan-Cebu International Airport at hinimok niya ang mga apektadong OFW na dumiretso roon kung nangangailangan ng agarang tulong.
Pinapayuhan din ang lahat ng Overseas Filipino Workers sa Gitnang Silangan na sundin ang mga abiso ng Philippine Embassy at lokal na awtoridad hinggil sa umiiral na security situation.
















