Nakapagtala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng kabuuang 7, 868 katao na stranded sa 39 na pantalan sa bansa dahil sa epekto ng bagyong Ada.
Base sa monitoring ng ahensiya nitong umaga ng Sabado, Enero 17, kabilang sa mga stranded ay mga pasahero at drivers ng mga barko, rolling cargoes at motorbancas.
Mayroon ding 19 na mga barko ang stranded, kasama ang dalawang motorbancas at 2,889 rolling cargoes.
Pansamantalang sinuspendi rin ang biyahe ng nasa 87 vessels at 35 motorbancas hanggang sa bumuti ang sitwasyon sa dagat.
Naitala ang mga stranded na pasahero sa Eastern Visayas, Central Visayas, Bicol, Northeastern Mindanao at Southern Tagalog.
Samantala, patuloy namang nakamonitor ang Coast Guard District Bicol sa mga stranded na pasahero at kasalukuyang sitwasyon sa mga pantalan na kanilang nasasakupan.
Istriktong ipinapatupad naman ang safety advisories at walang barko ang pinapayagang maglayag hangga’t ligtas na o bumuti na ang lagay ng panahon.
















